by Paul Jaysent Fos, Romblon News | Friday, 13 May 2016
Nanindigan si COMELEC Romblon OIC Election Supervisor Fernando Besiño na na-transmit na lahat ng boto sa lalawigan ng Romblon bago pa maiproklama sina Governor Eduardo Firmalo at Congressman elect Emmanuel Madrona nitong Martes ng umaga.
“As far as I am concerned, all municipalities in Romblon ay 100% transmission,” sagot ito ni Besiño matapos na tanungin ng Romblon News Network kung bakit base sa website ng COMELEC ay 10 out of 25 clustered precincts palang ang nag report.
Sa ngayon tinanggal na ng COMELEC sa kanilang website ang Total Number of Clustered Precincts Reported at tanging Total Number of Clustered Precincts nalang ang naroon.
Wala rin naman umanong dumating sa kanilang report na may nangyaring dayaan at kung may mga grupong magpapa recount.
Sinabi rin ni Besiño sa Romblon News Network na tugma ang kanilang mga data sa mga nakuha ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV).
Ito ay matapos kumalat sa social media ang hindi tugmang data ng PPCRV at COMELEC sa mga nakuhang boto ni Calatrava Mayor Robert Fabella.
Ayon kay Clarence Ruado ng PPCRV San Fernando, napansin umano nilang mali ang kanilang nasulat na data nang ma transfer na nila ang mga election returns sa bayan ng Romblon.
“Hindi na kami nakapagpalit dahil wala na sa amin ang ER,” ayon kay Ruado.