by Dennis Manzo, Philippine Information Agency | Tuesday, 24 May 2016
Nakatakdang ipagkaloob ng Department of Agriculture ang tatlong water pumps sa mga asosasyon ng magsasaka sa bayan ng Romblon na makatutulong sa pagpapadaloy ng tubig sa kanilang sakahan.
Kabilang sa mga tatanggap ng water pumps ay Macalas-Tambac-Ilauran Irrigators Association, Agnipa Irrigators Association at GSP Tambac Vegetable Association.
Ang kagamitang ito ay tugon ng DA sa tulong ng National Irrigation Administration (NIA) sa kahilingan ng mga magsasaka sa Romblon na masolusyonan ang kanilang suliranin sa patubig lalo na ngayong tag-init.
Sinabi ni Marcos M. Muros, agriculture technician ng Office of the Municipal Agriculturist, na mabilis ang naging aksiyon ng Kagawaran ng Pagsasaka sa kanyang liham na humihiling ng ganitong uri ng gamit sa pagsasaka sapagkat tuyot na umano ang mga lupang nililinang ng mga magsasaka dahil sa epekto ng El Niño.
Aniya, hindi dapat pabayaan ang mga masisipag na magsasaka na kahit makuba na ay hindi napapagod magtanim at mag-ani para masiguro na mayroon tayong makakain. Hangga’t maaari, ibinibigay ng pamahalaan ang kanilang pangangailangan upang maibigay rin nila ang pangunahing pangangailangan ng mamamayan gaya ng pagkain.