by Dennis Manzo, Philippine Information Agency | Thursday, 14 April 2016
Sapat pa ang suplay ng bigas sa lalawigan ng Romblon sa kabila ng nararanasang El Niño phenomenon o matinding tag-init na posibleng makaapekto sa mga sakahan.
Ito ang tiniyak ng pamunuan ng National Food Authority (NFA)-Romblon.
Kinumpirma ni NFA Provincial Manager Romulo D. Aldueza na 24,900 sako pa ng bigas ang naka-imbak sa kanilang bodega na sapat para ngayong Abril at nakatakdang dumating naman sa Mayo ang karagdagan pang bigas para sa susunod na mga buwan.
Sanhi ng mainit na panahon kung kaya ang mga taniman ng palayan ang unang naaapektuhan ng pagkatuyo ng lupa at aasahang matatagalan pa na makapagtatanim uli ng palay ang mga magsasaka.
Sa ganitong sitwasyon, ang NFA ang tumitiyak na sapat ang suplay ng bigas sa merkado at mga Bigasang Bayan na mabibili ng mga mamamayan.
Patuloy naman ang mahigpit na monitoring ng ahensiya sa tamang presyo ng bigas sa mga pamilihan sa buong lalawigan.