by Dennis Manzo, Philippine Information Agency | Friday, 08 April 2016
Ipinaiiral na ng Romblon Water District (RWD) ang schedule ng pagpapadaloy ng tubig sa mga kabahayan sa bayan ng Romblon bunsod ng pagkonti ng laman ng pinagkukunang reservoir o imbakan.
Tuwing umaga at hapon na lamang makakapag-ipon ng tubig ang mga consumers nito kaya nakikiusap ang pamunuan ng RWD na magtipid sa paggamit ng tubig dahil sa El Niño na nararanasan ng bansa.
Kaugnay nito, muling nagpaalaala sa publiko ang pamunuan ng RWD na magtipid sa paggamit ng tubig lalo na ngayong panahon ng tag-init.
Ayon kay RWD Manager Edna P. Martos, na patuloy sa pagbaba ang lebel ng tubig sa Ambulong reservoir at pagkonti ng daloy ng tubig sa kanilang mga pinagkukunang water pumping station.
Lumalaki rin aniya ang demand sa paggamit ng tubig tuwing summer dahil sa sobrang init ng panahon kaya malaki ang maitutulong ng publiko kung ang lahat ay makikiisa sa pagtitipid o paglimita sa paggamit ng tubig. Sana rin daw ay uugaliing magtipid ng tubig ng mga mamamayan hindi lamang tuwing tag-araw kundi sa buong taon.
Matatandaan na una nang sinabi ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na iiral ang katamtaman hanggang malakas na El Niño sa huling quarter ng 2015 hanggang sa unang bahagi ng 2016.