Ang lokal na pamahalaan ng San Fernando ay magsasagawa ng total rehabilitation ng Water Works System nito upang mapalitan ang mga lumang tubo at matiyak na walang leak sa mga linya ng tubig.
Ang rehabilitasyon ay pinaglaanan ng P17.5 Milyon upang maidugtong ang Busay at Lagting Reservoir na pinanggagalingan ng tubig kung saan lalagyan rin ito ng complete fitration & chlorination system para matiyak na ligtas sa kalusugan ng mga tao.
Bunsod ng pagsisimula ng proyektong ito, umaapela ang pamahalaang lokal ng pang-unawa sa mga mamamayan sapagkat magiging limitado muna ang suplay ng tubig sa mga kabahayan. Kinakailangan din umanong mag-ipon ng tubig sa gabi upang may magamit kinabukasan sa paliligo, paglalaba at panghugas ng kagamitan sa bahay.
Inaabisuhan din ang lahat ng consumers na sa pagdating ng mga delegasyon sa gaganaping Diocesan Summer Youth Camp sa naturang bayan ay magkakaroon ng augmentation sa pagsuplay ng tubig kung saan magtatakda umano ng oras sa pagrarasyon ng tubig sa mga barangay sa pamamagitan ng fire truck/water truck ng munisipiyo.
Ang total rehabilitation ng Water Works System ang nakikitang pangmatagalang solusyon ng LGU upang maging sapat ang tubig na dumadaloy sa mga linya ng tubo patungo sa mga kabahayan.
Inaasahan na kapag natapos ang proyektong ito, wala ng mararanasang kakapusan sa suplay ng tubig sa nabanggit na bayan lalo na sa panahon ng tag-init.