by Dennis Manzo, Philippine Information Agency | Friday, 22 April 2016
Ang St. Luke’s Medical Center-Sagip Bayan Foundation, The RAMON TULFO-Good Samaritan Foundation Inc. at ANCOP (Answering the Cry of the Poor) USA sa pakikipagtulungan ng Diocese of Romblon ay tatlong araw na nagsagawa ng medical mission sa bayan ng Romblon kamakailan.
Mahigit 2,000 na pasyente ang napaglingkuran sa medical at dental mission na isinagawa sa Magnificat Center, Villa Del Mar, Bgy. Lonos, Romblon, Romblon.
Naging matagumpay ang nasabing aktibidad sa inisyatibo ng Diocese of Romblon sa pakikipagtulungan ng Rural Health Unit kung saan napagkalooban ang mga taga-Romblon ng libreng cataract at pterygium surgery, cysts surgery, circumcision at tooth extraction.
Nagkaloob rin ang nabanggit na mga foundation ng libreng salamin sa mata at mga gamot sa pasyenteng nagpasuri sa mga kasamang doctor at medical workers.
Ang aktwal na gamutan at operasyon sa mga pasyente ay tatlong araw na isinagawa sa Magnificat Center na sinimulan sa umaga hanggang hatinggabi upang ang lahat ng mga nagpasuri ay mapagkalooban ng libreng serbisyo.
Ang medical mission ay maituturing na nagkaloob ng kompletong panggagamot mula sa pagsusuri hanggang sa pagkakaloob ng sapat na gamot’
Ayon kay Fr. Ric Magro, tagapagsalita ng Diocese of Romblon, sa tulong ng Sagip ng Bayan Foundation, Inc., The RAMON TULFO-Good Samaritan Foundation Inc. at ANCOP (Answering the Cry of the Poor) USA ay umabot sa 2,253 mahihirap na pasyente ang napaglingkuran ng Medical and Dental Mission.