by Dennis Manzo, Philippine Information Agency | Monday, 25 April 2016
Muling nagpaalala ang Bureau of Fire Protection (BFP)-Romblon sa publiko na iwasang makalikha ng forest fire at grass fire ngayong tag-araw.
Nag-ugat ang panawagang ito ng BFP sapagkat nakapagtala na umano sila ng limang kaso na ng grass fire sa lalawigan kung saan magkakasunod itong nangyari sa mga bayan ng San Agustin, Calatrava, Ferrol, Odiongan at Romblon.
Kadalasang sanhi umano ng forest fire o grass fire ay ang pagkakaingin, pagsiga ng mga tuyong sanga at dahon at paghagis ng upos ng sigarilyo sa mga tuyong damuhan.
Bunsod umano ng matinding sikat ng araw ngayon, madaling magliyab ang mga kakahuyan at damuhan dahil natutuyo na ang ilang bahagi nito.
Ayon kay SFO4 Rizal M. Mindoro, OIC-Provincial Fire Marshal, dapat ay maging alerto ang publiko sa mga posibleng banta ng sunog lalo pa ngayong mainit ang panahon.
Tuwing panahon ng tag-init aniya ay naitatala ang kabi-kabilang insidente ng sunog bunsod ng iba’t-ibang dahilan. Pero maiiwasan ang mga insidenteng ito kung magiging handa o hindi dapat maging pabaya ang mamamayan.
Pinapayuhan din ng tanggapan ng Provincial Fire Marshal ang publiko na huwag magsunog na basura dahil ito ay maaring pagmulan ng grass fire at forest fire.