by Chelsea Lilang, Romblon News | Sunday, 03 April 2016
Napigilan ng mga kawani ng isang barangay sa Odiongan at mga tauhan ng Army Reservist ang tangkang pandurukot sa isang bata kaninang hapon sa Barangay Progresso Este.
Ayon sa kwento ng ina ng bata, naglalakad umano ang anak niya patungo sa bahay nila at biglang umanong lumapit ang suspek na nakilalang si Javier Araja.
Inalok umano ang bata na uminum ng coke basta sumama umano siya sa suspek at isasakay siya nito sa barko patungo ng Batangas.
Hindi naman napansin nang suspek na nasa likod pala ng suspek ang lola nang bata at napapakinggan ang sinasabi nito sa bata.
Agad na nagsumbong ang lola ng biktima sa mga kawani ng Barangay at Army Reservist sa Barangay Progresso Este at agad na pinahuli ang suspek.
Tinanong mga awtoridad ang suspek kung ano ang kanyang pangalan at kung saan siya nakatira ngunit hindi niya sinasagot ang kahit anong tanong ng mga kapulisan.
Nakuha naman sa suspek ang isang motorsiklo kung saan niya sana isasakay ang bata at isang bag na may lamang coins at lisensya ng motor.
Napag-alaman naman ng Odiongan Municipal Police Station na nakarehistro ang gamit na motorsiklo nang suspek sa San Pascual, Batangas.
Paniwala ng mga kawani ng Barangay, bahagi ang suspek nang ilang sindikato na nandudukot ng mga bata sa Batangas nitong mga nakaraang buwan na naibalita rin sa national media.
Ayon kay Police Inspector Kim Badillo, OIC ng Odiongan MPS, maaring maharap ang suspek sa Kidnapping at Child Trafficking kung sakaling mapatunayan ang ginawa niyang krimen.
Nakakulong na ngayon ang suspek sa Odiongan Municipal Police Station.