by Dennis Manzo, Philippine Information Agency | Tuesday, 26 April 2016
Mahigit 50 kawani ng Philippine National Police (PNP) Romblon ang sumailalim sa tatlong-araw na Tourism Awareness Seminar for Tourism Oriented Police for Community Order and Protection (TOPCOP) na ginanap sa Punta Corazon Resort, Bgy. Cajimos, Romblon, Romblon.
Ang aktibidad na ito ay pinangunahan ng Department of Tourism (DOT)-Mimaropa Regional Office sa pakikipatulungan ng Romblon Police Provincial Office (RPPO) at Provincial Tourism Office.
Ang pagsasanay ay naglalayong mapalakas ang relasyon o ugnayan ng DOT at PNP upang mabigyan ng ligtas at payapang kapaligiran ang mga turistang bumibisita sa magagandang lugar ng lalawigan. Layunin din ng programang ito na magkaroon ng 24 oras na seguridad ang mga dinarayong lugar ng mga turista, paigtingin ang police visibility sa mga lugar na ito lalo na sa gabi at mayroong tourist police na nakatalag sa mga pangunahing tourist destinations.
Sinabi ni Provincial Tourism Officer Myrna Silverio na bawat municipal police station sa buong lalawigan ay nagpadala ng mga kawani upang magsanay kung kaya’t makatitiyak aniya ang sinumang turista na mapangangalagaan ang kanilang kaligtasan saan mang lugar sa Romblon.
Ang mga nagsilbing resource speaker sa Tourism Awareness Seminar ay sina Professor Ma. Dolores N. Salamanca, DOT Trainer, Supt. Johnny I. Capales, Asst. Chief, Public Safety Division at PO3 Rosabelle M. Bitayo ng RPPO.