by Dennis Manzo, Philippine Information Agency | Friday, 18 March 2016
Ang lokal na pahalaan ng Romblon ay nakatanggap ng ayuda mula sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR)-IVB para sa rehabilitasyon ng fish port na nagkakahalaga ng P3 milyon.
Ang nasabing pondo ay ipinagkaloob ng BFAR sa bayan ng Romblon upang magamit sa pagsasaayos ng fish port na nasira ng nagdaang bagyo at karagdagang P500,000 para sa proyektong “Bingwitan sa Barangay.”
Ayon kay Arturo M. Gutierrez, Municipal Agriculturist, masisimulan na sa lalong madaling panahon ang pag-repair sa mga nasirang bahagi ng pantalan na daungan ng mga magngingisda.
Sa Bingwitan sa Barangay, ang Office of the Municipal Agriculturist ang siyang mamamahala sa pamamahagi ng kagamitang gagamitin sa naturang proyekto sa mga coastal barangays.
Layunin nito na matulungan ang mga maliliit na mangingisda na magkaroon payao (fish aggregating device) na malapit lamang sa baybayin upang mapangisdaan ng mga ito.
Nagpapasalamat ang pamahalaang bayan ng Romblon sa mabilis na aksiyon ng BFAR sa kanilang kahilingan at umaasang marami pang proyektong ipagkakaloob sa mga mangngisdang taga-Romblon.