by Dennis Manzo, Philippine Information Agency | Tuesday, 29 March 2016
Sinisimulan na ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office sa pakikipagtulungan ng Philippine Coast Guard (PCG)-Romblon Station ang paglalagay ng signages sa mga pantalan (sea ports) sa buong lalawigan.
Ito ang pagbabatayan ng mga barko, pampasaherong bangka at mga maliliit na mangingisda kapag may nakataas na babala ng bagyo o mayroong gale warning sa lalawigan na magsisilbing babala (warning sign) o paalala na bawal ng pumalaot o maglayag.
Sinabi ni Engr. Antonio P. Sarzona, PDRRM Officer, na kanyang isinusog ang nasabing suhestiyon sa PCG-Romblon na maglagay ng warning sign sa tuwing may bagyo o nagbabantang sama ng panahon at may nakataas na gale warning sa probinsiya upang maging aware ang lahat ng maglalayag.
“Layunin din nito na mailayo sa kapahamakan ang mga mananakay o pasahero,” maikling pahayag ni Sarzona.
Nagsimula na silang maglagay ng tarpaulin sa mga daungan na nagsasaad ng mga palatandaan at paalala kapag may weather disturbances. May itataas umanong bandila sa tuwing masungit ang lagay ng panahon kung saan sa kulay nito magbabase ang mga barko at pampasaherong bangka kung maaari ba silang maglayag o hindi.
Kapag kulay dilaw na parihaba ang nakataas na bandila, ang maliliit na bangka ay hindi maaring pumalaot; kapag pulang oval ang nakataas sa pole, hindi na papayagang pumalaot ang mga pampasaherong bangka (pump boat) at kapag pulang parihaba naman ang nakataas, lahat ng uri ng sasakyang pandagat ay hindi na pahihintulutang maglayag.
Inaasahan ng PDRRMO at coast guard na epektibo itong paraan upang mabigyan ng mabilis na impormasyon o abiso ang lahat ng mga barko, pampasaherong bangka, malilit na uri ng bangkang pangisda at maging ang mga pasahero.