by Dennis Manzo, Philippine Information Agency | Thursday, 17 March 2016
Ang lahat ng Barangay Nutrition Scholars (BNS) sa bayan ng Romblon ay sumailalim sa Training-Workshop on DOST Pinoy Complementary Feeding na ginanap simula kahapon sa Sangguniang bayan Session Hall, 3rd Floor, Romblon Municipal Building.
Ang dalawang araw na pagsasanay ay pinangunahan ng Food and Nutrition Research Institute (FNRI), Department of Science and Technology sa pakikipagtulungan ng Rural Health Unit (RHU)-Romblon at Municipal Nutrition Action Office.
Isa-isang tinalakay ng mga tagapagsalita mula sa FNRI Central Office ang mahahalagang usapin tungkol sa programang DOST Pinoy (Package for the Improvement of Nutrition of Young Children).
Pianangunahan ni Bb. Josefina T. Gonzales, Science Research Specialist II, ang pagpapakilala at kahalagahan ng DOST PINOY sa tatlumpu’t isang BNS na kalahok sa pagsasanay.
Marami aniyang ginagawang feeding programs ang pamahalaan at mga non-government organizations (NGOs) sa mga paaralan o komunidad para mabigyan ng wastong nutrisyon ang mga batang edad 3-12 taong gulang.
Subalit, ang ganitong feeding programs sa mga paaralan ay hindi pa rin sapat upang masagip sa malnutrisyon ang mga bata.
“Mali ang konsepto na kapag ang mga bata ay three years old, saka pa lang iaaddress ang problema ng malnutrition,” pahayag ni Gonzales.
Batay aniya sa resulta ng 2008 National Nutrition Survey (NNS) na isinagawa ng FNRI, makikita na dalawa sa sampung mga bata na may edad zero-limang taong gulang ay underweight para sa kanilang edad. Dahil dito, ang mga eksperto mula sa FNRI ay nagkasundo na simulan tutukan at masolusyunan ang malnutrisyon sa ikaanim na buwan pa lamang ng bata na sinisimulan ng pakainin ng kanyang ina.
Sa ilalaim ng Pinoy Program,ang FNRI ay gumawa ng tatlong rice-and-mongo based products. Ito ang tinatawag na BigMo (bigas at mongo) na isang complementary foods na makapagbibigay ng kinakailangang dietary protein at carbohydrates ng lumalaking sanggol.
Ang BigMo Rice-Mongo blend ay isang instant baby food na may 10.8 porsiyento ng energy at 21.4 porsiyento ng rekomendadong protina dapat makamit ng isang 6-12 buwan gulang na bata.
Samantala, ang BigMo Rice-Mongo-Sesame Ready-to-Cook blend ay isa namang ready-to-cook baby food na makapagbibigay ng essential fatty acids para sa lumalaking bata.
Ang BigMo Rice-Mongo curls, ay masustansiya at masarap na crispy snack na makapagdudulot 12.3 % ng kinakailangang energy at 11.8 % ng rekomendadong protein intake ng batang may edad isa-tatlong taong gulang.
Isa rin sa naging resource speaker si Bb. Regina M. Pagaspas, Senior Science Research Specialist na tinalakay ang mga Gabay sa implementasyon ng DOST PINOY at tamang pagplano ng pagkaing ihahain.
Hinimay naman ni Bb. Jane Jasmine F. Sune, Project Assistant I, ang usapin ukol sa Batayang nutrisyon, paano gawing ligtas ang pagkain at nagsagawa ng demonstrasyon sa pagluluto ng complementary food blends.
Kabilang pa sa mga naging tampok na usapin sa training/workshop ang pagtiyak sa maayos at ligtas na pagbubuntis, pagpapasuso ng ina na tanging makabubuti sa sanggol, pagtatanim ng gulay sa bakuran at pagbibigay ng karagdagang pagkain sa batang paslit.
Matagumpay sa pangkalahatan ang naging resulta ng pagsasanay sa mga BNS at umaasa ang FNRI DOST na maisasabuhay ng mga ito ang kanilang mga natutunan sa kanilang barangay sa tulong ng lokal na pamahalaan.
Sa pagtatapos ng training/workshop, isa-isang binigyan ng sertipiko ng pagsasanay (certificate of training) ang 31 Barangay Nutrition Scholars ng Romblon, Romblon.