by Dennis Manzo, Philippine Information Agency | Friday, 18 March 2016
Ang mga magsasaka sa Romblon ay hinihikayat upnag gamitin ang organic farming procedure na makatutulong sa mas malusog at masaganang pagtatanim ng mga magsasaka sa lugar sa pamamagitan ng organikong pataba dahil wala itong masamang epekto sa kalusugan ng tao.
Ito ang nagbunsod sa Agriculture Training Institute (ATI), Regional Training Center (RTC)-Mimaropa sa pakikipagtulungan ng Office of the Municipal Agriculturist na magsagawa ng Training Course on Organic Agriculture for Agricultural Extension Workers (AEWs) sa Romblon Plaza Hotel sa bayan ng Romblon. Ito ay dinaluhan ng mahigit 30 AEWs mula sa bayan ng Romblon at Magdiwang na gaganapin sa loob ng tatlong araw.
Sinabi ni Dewey M. Albufera, lecturer on Organic Agriculture, ang organikong pagsasaka ay isang termino para sa natural na pamamaraan ng pagsasaka. Ito ay uri ng pagsasaka na tumutulong sa kalikasan at kapaligiran sa pamamagitan ng tamang pag-aalaga ng lupa na sentro at pinakamahalagang bahagi sa organikong pagsasaka na nakatuon sa prinsipyo na “farming in harmony with nature”.
Sa pagsasagawa aniya ng organikong pagsasaka maaari nating isaalang-alang ang dalawang bagay; Una, ay ang paggamit ng organikong pataba, at Pangalawa, ay ang tamang pamamaraan sa pagkontrol ng mga peste.
Sa paggamit ng organikong pataba, layunin nito na pataasin ang organikong sangkap na nasa lupa o organic matter. Ito ay napakahalaga sapagkat ito ang susi sa pagkakaroon ng malulusog at magagandang pananim at mga hayupan.
Kung gagamit aniya ng mga organikong pataba, mapapalitan ang mga sangkap na nasa lupa o organic matter at mapapanatiling malusog ang lupa gayundin ang halaman. Ang organikong pataba ay ang pinagsama-samang mga nabubulok na bagay, katulad ng dumi ng hayop o halaman at pinabulok sa mahabang panahon upang gawing pataba sa lupa. Ito ay walang halong kemikal at hindi nakakasama sa kapaligiran.
Mayroon din naman tamang pamamaraan ng pagkontrol ng mga peste na layuning maiwasan ang pagbaba ng mga ani dahil sa pagsalakay ng mga peste sa mga lupang sakahan sa panahon ng pagsasaka.
Ang tamang pagkontrol aniya sa mga peste ay isang natural na pamamaraan na nakatutulong sa pagpapanatili ng balanse ng kalikasan. Kailangan kasing matutunan muna kung ano-ano ang mga peste na nakatutulong at nakakapinsala sa ating mga bukid. Sa ganitong pamamaraan ay malalaman kung paano sila susugpuin.
Ang ilan sa tamang pamamaraan ng pagkontrol sa peste ay kultural na pagkontrol o sabay-sabay na pagtatanim. Ang iba naman ay nagtatanim ng mga halaman na may resistensiya sa mga peste. Ang iba ay nagtatanim ng ibang halaman bukod sa palay (Crop Rotation) upang guluhin ang Life Cycle ng mga peste.
Ayon sa mga kinatawan ng ATI-RTC MiMaRoPa, kanilang isinusulong ang organic agriculture dahil mas malaking kikitain ng mga magsasaka, hindi rin daw ito mabigat sa bulsa dahil mas mababang puhunan lamang ang kailangan rito.