by Paul Jaysent Fos, Romblon News | Tuesday, 29 March 2016
Inagurahan na kahapon, March 28, ang kauna-unahang Teen Center sa MIMAROPA Region (Mindoro, Marinduque, Romblon, at Palawan) na nakatayo sa loob ng Odiongan National High School sa bayan ng Odiongan.
Panauhing pandangal sa inagurasyon si Commision on Population Region 4 Director Lydio Español na nagbigay ng kanyang mensahe sa harap ng mga bisita, guro at mga mag-aaral ng paaralan.
Ayon kay Español, dahan-dahang nagtatayo ang POPCOM ng mga Teen Center sa buong Region 4 upang mabawasan ang mga risky behavior ng mga kabataan sa ngayon.
“Alam niyo naman ang mga kabataan ngayon, sumasabay sila sa trends. Kung meron kang girlfriend, o boyfriend, akala nila nasa trend ka, at dumideretso ito sa teenage pregnancy,” ayon kay Español.
Base sa datus, pangatlo ang Pilipinas sa mga bansang may pinakamataas na bilang ng mga kabataang nabubuntis.
“Another thing is, ayaw namin na ang mga kabataan ay mahinto sa pag-aaral dahil sa pagbubuntis,” dagdag pa ni Español.
Pinasalamatan naman ni Español ang mga tumulong sa kanila upang maitayo ang Teen Center sa bayan ng Odiongan ito ay ang Department of Education, Office of the Governor, Provincial Social Welfare and Development Office, at Department of Health.
Sa pahayag ni Trina Firmalo na kumatawan sa amang si Governor Eduardo Firmalo, sinabi nitong nagkaroon na ng training para sa ilang kabataan upang maging teen facilitator.
“Meron na tayong mga mag-aaral dito sa ONHS na marunong makipag-usap sa kapwa nila estudyante o kabataan tungkol sa mga nararanasan nilang hirap bilang kabataan. Kung may problema ang mga kabataan, pwede sila sumanguni sa mga dumaan na sa training,” pahayag ni Firmalo.
Sa loob ng Teen Center ay maari nang maglibang ang mga estudyante habang break sa klase.
Meron itong mga board games, black boards, projector, laptop, at tv.
Ikinatuwa naman ito ng mga estudyante at mga guro at sinabing maganda ito para sa mga kabataan.