by Dennis Manzo, Philippines Information Agency | Tuesday, 08 March 2016
Isa ang bayan ng Looc, Romblon sa tumanggap ng bagong Fire Truck mula sa Department of Interior and Local Government (DILG)-Bureau of Fire Protection (BFP) sa isinagawang turn over ceremony sa Quecon City kamakailan.
Isa lamang ang bayan ng Looc sa napakaraming mga LGU ang pinagkalooban ng nasabing gamit pamatay-sunog.
Ayon kay SFO4 Rizal M. Mindoro, OIC-Provincial Fire Marshal ng BFP Romblon, 240 horse power ang water pump ng bagong fire truck kung kaya’t kayang umabot ng tubig hanggang sa 60 metro. Ang bagong fire truck aniya ay magpapaigting sa kapabilidad ng mga bombero na makasagip ng buhay at ari-arian. Dagdag pa nito, malaking tulong aniya ang bagong fire truck sa mas mabilis na pag-apula ng sunog dahil matagal na nilang problema ang kakulangan sa truck ng bombero sa buong lalawigan.
Magugunitang bumili na rin ng bagong fire truck ang lokal na pamahalaan ng Looc upang mayroong magamit ang himpilan ng pamatay sunog sa tuwing may nangyayaring sunog sa naturang bayan.
Ipinagpasalamat naman ni Mayor Leila M. Arboleda ang pagkakaloob sa kanila ng nasabing kagamitan na malaking tulong sa kanilang mga taga pamatay sunog sa kanyang bayan at makakatulong rin umano ito sa pagresponde sa sunog sa kanilang mga karatig bayan.