by Dennis Manzo, Philippine Information Agency | Wednesday, 16 March 2016
Ipagdiriwang ng probinsiya ng Romblon ngayong araw, Marso 16 ang ika-115 anibersaryo ng pagkakatatag nito at at sa Marso 18 naman ay gugunitain ng lalawigan ang ika-71 na pagkakalaya nito noong panahon ng ikalawang digmaang pandaigdig.
Sa bisa ng inilabas na Memorandum Order No. EF03-006, s. 2016 ng tanggapan ni Governor Eduardo C. Firmalo na may petsang March 3, 2016, idineklarang Special Non-working Public Holiday ang ika-16 ng Marso kaya walang pasok sa lahat ng opisina (gobyerno o pribado) at antas ng mga eskwelahan sa buong lalawigan.
Ang inilabas na Merorandum Order ng tanggapan ni Governor Firmalo ay batay sa R.A. 9642. “An Act Declaring March 16 of every year as Romblon Foundation Day and a Special Non-working Public Holiday in the Province of Romblon.”
Wala ring pasok sa araw ng Biyernes, Marso 18 sa buong lalawigan dahil dineklarang provincial holiday din ito alinsunod sa Proclamation No. 430, “Declaring March 18 of every year as Special Holiday in the islands of Panay and Romblon, including the cities of Iloilo and Roxas,” na nilagdaan ni dating pangulong Corazon C. Aquino noong Hulyo 21, 1989.
Ang selebrasyon ay pasisimulan sa pamamagitan ng Misa ng Pasasalamat bukas sa Capitol Park na pamumunuan ni Rev. Father Aristeo B. Royo, ng Saint Joseph Parish.
Pagkatapos ng Misa ay ang civic military parade na lalahukan ng mga capitol-based employees, mga opisyal ng pamahalaan panlalawigan, kawani ng PNP at iba pang empleyado ng pang-gobyernong tanggapan.
Susundan ito ng pagtataas ng bandila ng probinsiya sa pangunguna ni Gov. Eduardo C. Firmalo, Vice Gov. Jose R. Riano, Sangguniang Panlalawigan Members at 17 bandila ng mga munisipyo sa pangunguna ng bawat alkalde nito.
Kasunod ring isasagawa ang wreath-laying ceremony/floral offering sa kinatatayuan ng Liberation Marker na pangungunahan ni Congressman Eleandro Jesus F. Madrona, mga matataas na opisyal ng lalawigan at mga beterano ng World War II.
Tampok rin sa pagdiriwang ang pagkakaloob ng sertipiko at plake ng pagkilala sa mga buhay pang beterano (surviving veterans) kung saan sila ay makakatanggap rin ng regalo sa pamahalaang panlalawigan.