by Philippine Information Agency, Romblon News | Tuesday, 08 March 2016
Nasa 102 mga estudyante mula sa limang batch ang nagsipagtapos at nakatanggap ng NC II certificate mula sa TESDA bilang bahagi ng 2015 Bottoms Up Budgeting Scholarship Program ng lokal na pamahalaan ng Calapan kamakailan
Ang programa ay nasisakatuparan sa pakikipagtuwang ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) sa ilalim ng programang Access to Government Initiatives for Livelihood Assistance (AGILA).
“Layunin nating makapagbigay ng oportunidad sa marami na makapag-umpisa ng negosyo sa pamamagitan ng sunud-sunod na training programs at livelihood skills,” pahayag ni Mayor Arnan C. Panaligan.
Ilan sa mga skills training na ibinigay sa mga ito ay ang Motorcycle and Small Engine Serving NC II, (Batch 1 & 2), Electronic Products Assembly and Servicing NC II, Electoral Installation Maintenance NC II, Food Processing NC II kung saan ay hindi lamang diploma ang tinanggap ng mga mag-aaral kundi kompletong tools bilang panimula ng kanilang pangkabuhayan.
Sinabi naman ni TESDA Administrative Officer Ma. Lourdes Del Mundo na ang tinanggap ng mga nagsipagtapos ay national certificate kaya ang tawag sa mga ito ay World Class Worker. Kalimitan sa mga nagsanay sa ilalim ng TESDA ay mabilis nakakahanap ng trabaho. Ang sertipiko aniya ay hindi itinatago, ito ay ginagamit para umunlad.