by Dennis Manzo, Philippine Information Agency | Sunday, 07 February 2016
Patuloy ang ginagawang pagbabantay ng Department of Trade and Industry (DTI) sa buong lalawigan ng Romblon sa presyo o SRP (suggested retail price) ng mga pangunahing bilihin bilang bahagi ng kanilang regular na pagbisita sa mga palengke at tindahan.
Matatandaan na naglabas ang DTI – Romblon ng listahan ng mga basic necessities kasama ang karampatang presyo ng mga ito matapos hagupitin ng bagyo upang maiwasan ang pag-abuso ng ilang negosyante sa buong lalawigan.
Kabilang sa mga pangunahing bilihin ay bigas, mais, tinapay, sardinas, sariwa o daing na isda, karne, itlog, gatas, gulay, root crops, kape, asukal, asin, mantika, sabon, panggatong, kandila, mga de latang pagkain, gamot (tingnan ang RA No. 10623), at iba pa.
Ayon sa pamunuan ng DTI – Romblon Provincial Office, posibleng bumaba ang presyo ng mga pangunahing bilihin sa susunod na tatlong buwan bunsod ng patuloy na pagbaba sa presyo ng mga produktong petrolyo sa pandaigdigang merkado.
Sinabi ni DTI – Romblon Provincial Caretaker Orville F. Mallorca na sa katunayan ay ipinapatawag na ng DTI Central Office ang mga manufacturer ng iba’t-ibang mga produkto para pag-usapan ang posibleng bagong suggested retail price o SRP na ipatutupad.
Binigyan diin ng nasabing ahensiya na kumpara noong mga nakaraang buwan, mas malaki ang ibinaba ng presyo ng mga produktong petrolyo ngayon.
Nagpaalala rin ang DTI Romblon sa mga manininda (retailers) na dapat nilang sundin ang itinakdang presyo ng DTI dahil ang sinumang lalabag ay maaaring makasuhan at pagmumultahin alinsunod sa Department Administrative Order No. 6 series of 2008.
Kung mayroong reklamo o karagdagang katanungan, maaaring tumawag sa DTI – Romblon Provincial Office sa mga numero ng teleponong sumusunod: (042) 567-5090 (Landline), 09189576428 (Smart) or 09176263996 (Globe).