by Dennis Manzo, Philippine Information Agency | Tuesday, 23 February 2016
Lumipat na ang sangay ng Philippine Statistics Authority (PSA) Romblon sa bago nitong tanggapan.
Pinangunahan ni Regional Director Leni R. Rioflorido ng PSA IV-B (MiMaRoPa) ang pagpapasinaya sa bagong PSA Romblon Provincial Statistical Office na matatagpuan sa 2nd Floor, Navarette Building, Bgy. 2 (Poblacion), Romblon, Romblon.
Ayon kay Provincial Statistical Officer Lino P. Faminialago na higit na magiging maaayos ang kanilang paghahatid ng serbisyo sa publiko dahil sa mas maayos ay malawak na ang kanilang opisina kung kaya higit nilang magagampanan ang kanilang mga tungkulin.
Ang bagong opisina ay mayroong maaliwalas na conference room kung saan mas maluwag at malamig na makapagsasagawa ng seminar o pagsasanay ang PSA Romblon sa kanilang mga miyembro at katuwang ng nasabing ahensiya.
May dalawang ‘quarters room’ ding matutuluyan ang mga dadalo sa anumang training, seminar at workshop na gagawin. Mayroon ding malinis na banyo, dining room at kusinang magagamit sa pagluluto.
Mababasa rin nang husto ang listahan ng mga dapat gawin ng isang empleyado kapag makikipagtransaksiyon alinsunod sa PSA Citizens Charter bilang pagtalima sa obligasyong pagpaskil ng citizens charter upang maunawaan ng mga mamamayan ang kanilang bahagi sa wastong pakikipagtransaksiyon.
Makikita rin sa pintuan ang “No to Fixer Policy” upang maiwasan ang pagtangkilik sa fixer o humihingi ng suhol sa kliyente. Ang lahat ng ito ay pagtalima ng PSA sa Republic Act 9485 o ang Anti-Red Tape Law of 2007.