by Dennis Manzo, Philippine Information Agency | Tuesday, 23 February 2016
Ang Philippine Nurses Association of Australia (PNAA) ay nagsagawa ng Medical Mission sa Romblon Provincial Hospital (RPH) kamakailan kung saan nasuri ang 500 na pasyenteng may sakit na diabetes.
Mapalad rin nabigyan ng libreng suplay na gamot sa loob ng isang taon ang 30 diabetic patients na mahihirapa at mas malalalang sitwasyon ng naturang karamdaman.
Ang nasabing aktibidad ay magkatuwang na itinaguyod ng pamahalaang panlalawigan at Philippine Nurses Association of Australia na layong makatulong sa mga indigent patients sa Romblon.
Ang mga doktor na nagbigay ng kanilang libreng serbisyo sa nasabing medical mission ay kinabibilangan nina Dr. Armando Alcantara, Dr. Edgar Guanco, at Dr. Generosa Dantoc.
Naging katuwang din nila ang mga health workers ng DOH Provincial Office, Romblon Provincial Hospital at ilang volunteers na umasiste sa matagumpay na medical mission.
Malaki naman ang naging pasasalamat ni Governor Eduardo C. Firmalo sa pakikipagtuwang ng PNAA sa provincial government dahil malaking tulong ito sa mga nangangailangan ng atensyong medikal partikular yaong mga diabetic patients.