by Dennis Manzo, Philippine Information Agency | Monday, 15 February 2016
Nagpaalala ang Land Transportation Office (LTO) Romblon sa mga motorista na huwag uminom ng alak o gumamit ng cellphone habang nagmamaneho upang maiwasasan ang anumang disgrasya o sakuna sa mga kalsada.
Pinaaalala rin ng mga tauhan ng LTO Romblon District Office na magmaneho lang sa ligtas na bilis o tamang speed limit ang sasakyan, huwag kalimutang mag-seat belt at magsuot ng helmet ang mga nagmomotorsiklo.
Huwag rin aniyang pahintulutang magmaneho ang mga batang menor de edad o wala pa sa hustong gulang.
Sa tuwing bibiyahe, dapat ugaliin na dalhin ang mga papeles o rehistro ng sasakyan at tiyaking dala ang lisensiya sa pagmamaneho.
Kaugnay nito, namahagi kamakailan ang naturang tanggapan ng mga leaflet on road safety tips para sa mga nagmamaneho ng sasakyan upang maiwasan ang anumang multa, pagkakakulong, o pagkasawi sa aksidente.
Ang naturang babasahin ay naglalaman ng mga alituntunin sa kalsada, mga batas ukol sa transportasyon at ipinaiiral na batas trapiko sa bansa.