by Paul Jaysent Fos, Romblon News | Saturday, 13 February 2016
Pinaiimbestigahan na ni Rear Admiral William Melad, deputy commandant ng Philippine Coast Guard (PCG) sa PCG station Romblon ang nangyaring banggaan ng F/B Arnie Deca at ng barko umano ng 2Go Travel kaninang umaga sa bahagi ng dagat na sakop ng San Fernando, Romblon.
Ayon kay Melad, dinala na sa PCG Romblon station ang 20 survivors na nakaligtas upang kunan ng salaysay kung ano talaga ang nangyari.
Patuloy naman ang isinasagwang rescue operation para sa nawawalang kasama ng mga mangingisda.
Inaalam na rin ng PCG kung barko ba talaga ng 2Go Travel ang nasangkot sa nasabing aksidente.
“I have directed (the PCG) station in Manila to check if there was a vessel that arrived at 8 a.m. or 9 a.m yesterday. The incident happened at 5 a.m.,” pahayag ni Melad sa Cebu Daily News.
Aalamin rin umano ng PCG kung bakit hindi man lang tinulungan ng nasabing barko ang mga crew ng lumubog na bangka.
“Basically for mariners, there should be assistance provided except if it would endanger their passenger vessel. We will look into it,” dagdag ni Melad.
Sa official naman na pahayag ng 2Go Travel, sinabi nitong hindi pa nila ma kumpirma na barko nga talaga ng 2Go Travel ang sangkot sa aksidente.
Nagpadala na rin umano sila ng tauhan sa Romblon upang mag-imbestiga sa pangyayari at handa rin silang magbigay ng tulong sa mga biktima at assistance sa ginaganap na Search and Rescue Operation ng PCG para sa nawawalang mangingisda na sakay ng bangka.
Nakatakda na ring mag-usap ang pamunuan ng 2Go Travel at may-ari ng F/B Arnie Deca.