by Dennis Manzo, Philippine Information Agency | Friday, 26 February 2016
Ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) 4B Regional Office ay namahagi kamakailan ng tulong sa mga mangingisdang naapektuhan ang kabuhayan ng nagdaang bagyo sa lalawigan ng Romblon.
Ayon kay Ruperto N. Alforque, provincial fishery officer, kasama nilang nagpunta sa mga naapektuhang bayan ang mga kinatawan ng BFAR Central Office at Regional Office upang mamahagi ng materyales sa mga maliliit na mangingisda.
Layunin aniya ng nasabing aktibidad na makatulong partikular sa mga mangingisdang nasiraan at nawalan ng mga kagamitang pangkabuhayan kung saan nagbigay ang naturang ahensiya ng mga marine plywood, bronze nail, marine epoxy at pintura.
Sisikapin din umano nilang mabigyan ng bagong makina ang mga may-ari ng bangkang nawasak ng bagyo para muling makabalik sa karagatan ang mga ito at makapangisda.
Batay sa ginawang assessment and validation ng BFAR, ang mga grabeng nasalanta na mangingisda ay mula sa bayan ng Concepcion, Banton, Corcuera, Romblon, Magdiwang, San Agustin, Calatrava at Cajidiocan.
Balak ding palawakin ng BFAR 4B ang kanilang programa upang maabutan ng ayuda ang iba pang marginalized fishermen sa lalawigan ng Romblon.