by Paul Jaysent Fos, Romblon News | Monday, 11 January 2016
Hindi na matutuloy ang MIMAROPA Regional Athletic Meet ayon kay Romblon Mayor Gard Montojo ng makapanayam ng Romblon News nitong Lunes.
Ayon kay Montojo, halos 1% nalang ang possibility na matutuloy ang MRAA Meet dahil umano sa desisyon ng mga gobernador ng mga lalawigan na nasalanta ng bagyo na huwag muna ituloy ang nasabing palaro.
“Handa na kami pero hindi ko alam kung anong nangyari”, pahayag ni Montojo.
Nakatakda sanang ganapin ang MIMAROPA RAA Meet 2016 sa bayan ng Romblon sa darating na January 31 hanggang February 04 na dadaluhan ng mga manlalaro galing MIndoro, Marinduque, Romblon, Palawan Province at Puerto Princesa City.
Sa isang source naman ng Romblon News sa Palawan, sinabi nilang pinauwi na ang mga nagsasanay na atleta na naka quarters sa isang paaralan roon matapos na matanggap umano nila ang balitang hindi na matutuloy ang palaro.
Sa panayam naman ng Romblon News kay Governor Eduardo Firmalo, sinabi nitong napagkasunduan ang nasabing desisyon ng mga Gobernador ng rehiyon at ang nasabing budget ay ipapagkaloob nalang sa mga lugar na labis na sinalanta ng bagyong Nona.