by Dennis Manzo, Romblon News | Wednesday, 20 January 2016
Ang Alcantara National Trade School (ANTS) sa pakikipagtulungan ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) Romblon ay nagbukas ngayong Enero ng Institutional Based Programs (IBP) at Technology Based Community Training Program (TBCTP) para mga interasadong mag-aral o magsanay ng libre.
Ito ay bukas para sa lahat ng nais magsanay ng Dressmaking NC II, Electrical Installation & Maintenance NC II, Shielded Metal Arc Welding NC II, Install domestic refrigeration & air-conditioning units, Prepare and produce bakery products, Process food by salting, curing & smoking, Prepare electrical power & hydraulic tools and install electrical lighting systems on auxiliary outlets and lighting fixtures.
Ang programang ito ay naglalayong mabigyang ng kasanayan ang mga mamamayan upang magkaroon ng maayos at marangal na trabaho particular ang mga walang kakayahang makapag-aral sa kolehiyo.
Pangunahing mithiin ng ANTS na ang maiangat ang antas ng kabuhayan ng mamamayan sa pamamagitan ng pagbibigay at pagsasagawa ng mga libreng pagsasanay sa tulong ng TESDA.
Ayon sa pamunuan ng TESDA at ANTS, sa pamamamagitan nito ay mabibigyan ng panibagong pagkakataon ang mga walang hanapbuhay, out-of-school youths at iba pang mga stakeholders na nagnanais madagdagan ang kaalaman at kasanayan. Ayon pa rito ay isa itong malaking hakbang upang labanan ang kahirapan bunsod ng kawalan ng hanapbuhay.
Layunin din ng dalawang sangay ng pamahalaan na mapagsanib ang kani-kanilang kakayahan kabilang na rito ang mga kani-kaniyang resources upang maisagawa ng maayos ang kani-kaniyang tungkulin at responsibilidad sa implementasyon ng naturang programa.
Sa mga interesadong mag-enrol, magsadya ng personal sa Registrar ng nasabing Trade School o kaya ay makipag-ugnayan kina Gerald D. Baldea (Institutional Based Program) at Elna L. Baldea (Technology Based Community Training Program) sa mga numerong 09487705805 at 09392494662.