May modernong kasabihan, “hindi ka tao kapag wala kang social media account” na nagpapahiwatig lamang na bahagi na ng normal na buhay ng isang tao sa ngayong mga araw ang social media o internet dulot ng makabagong teknolohiya at pag-adopt sa kalakaran ng halos lahat ng mga sangay ng gobyerno, mga financial institutions, at negosyo sa mga makabagong teknolohiya na ito. Sabi nga, ‘everything is online’.
Totoong ang social media ay isa sa pinakamabilis at mabisang paraan ng pagko-communicate ng mga tao sa ngayon sa isa’t isa o, pamilya, opisina, mga organization at simpleng grupo. Mula sa pinakabata hangang sa pinakamatandang edad, basta marunong magbasa, magsulat at marunong gumamit ng mga friendly mobile phone apps tulad ng Facebook, ay mayroong social media account.
May impluwensiya nga ba ang social media sa paraan ng pangangampanya at paghahatid ng mga impormasyon kaugnay sa election?
Sigurado pong meron. Hindi nakapagtataka na pati ang COMELEC ay nakipag partner sa Facebook kaugnay sa Elections 2016.
Ito rin ang tinitingnan at kino-consider na paraan ng halos lahat o nakararaming kandidato sa kanilang pangangampanya.
Ganun pa man, may risgo ang social media o internet dahil maaari rin itong magamit ng mga kandidato upang manira ng kalaban o magpalaganap ng hindi totoong mga impormasyon, pabor o kontra sa isang kandidato.
May tinatawag tayong ‘satiric’ website na nagpa-publish ng mga hindi totoong balita. Halimbawa nito ay ang www.adobochronicles.com. Kapag ang isang internet user ay hindi alam ang kalokohan ng mga ganitong websites, malamang sya ay maniwala dahil sa tila baga kapani-paniwala ang style ng pagkakasulat nito.
Dahil sa hindi natin masisiguro na ang mga social media accounts ay totoo, ang iba kasi ay mga tinatawag na dummy accounts, maaaring magbigay ng mali at misleading information ang mga online survey through social media.
Idagdag pa diyan ang mga tinatawag na ‘meme’ na hindi naman pala totoong sinabi. Halimbawa nito ang ‘meme’ showing PNoy’s face at may nakasulat na ang sinusuportahan naman nya umano ay si Duterte at hindi ang administration candidate na si Mar Roxas.
Sa kabila ng mga positibong dulot ng social media, napakalaki rin ang pagkakataon na maabuso ito ng ibang mga kandidato sa kanilang pangangampanya.
Hindi po lahat ng nakikita, napapanood, o nababasa natin sa social media at internet ay totoo. Kung kaya’t dapat pa rin nating saliksiking mabuti ang track record, unawain at balansehin ang mga plataporma ng isang kandidato upang makapili tayo ng karapat-dapat iboto sa araw ng eleksiyon.