by Paul Jaysent Fos, Romblon News | Saturday, 23 January 2016
Isang hinihinalang sink hole ang nakita ng mga residente ng Barangay Gabawan, Odiongan, Romblon sa bahagi ng Gabawan River nitong Miyerkules.
Ayon sa residenteng si Dokloy Fallaria, nagulat umano sila dahil bigla nalang lumaki ang butas ng lupa at lumalim ang tubig roon.
“Dati yan, maliit lang, maliit lang ang butas, eh naliligo ang mga bata, siguro sa katagalan, lumaking lumaki yung butas.” ayon pa kay Fallaria.
Dati umano, maraming bata ang naliligo sa ilog ngunit ngayon ay halos wala na dahil pinagbabawalan ng kanilang mga magulang na maligo dahil sa lumalim ito.
Itinanggi naman ng kapitan ng barangay na si Juvy Faderogaya, ayon sa kanya, hindi umano ito sink hole kundi erosion lamang o bumaba lamang ang lupa dahil sa katagalan nito.
Inaasahan namang susukatin sa susunod na linggo ng mga opisyal ng barangay kung gaano kalalim at ipapasuri kung bakit bumababa ang lupa sa ilog.