by Paul Jaysent Fos, Romblon News | Sunday, 31 January 2016
Umuusok pa ng maabutan ng Romblon News ang bahay ni Nany Evangelista sa Barangay Gabawan sa Odiongan matapos itong masunog pasado alas-3 ng hapon ngayong araw.
Sa video na kuha ni Kyla Pauline Lago, makikita ang pagkain ng apoy sa isang kwarto ng bahay ni Mrs. Evangelista.
Ayon naman sa kwento ni Mrs. Evangelista sa Romblon News, nagluluto umano siya nang mapansin na may umuusok sa harapan ng kanyang bahay, at dahil malayo ito sa lutuan, hindi umano niya ito pinansin at inisip nalang na baka may nagpapausok lang sa kabilang bahay. Napansin niya lang umanong nasusunog ang bahay niya nang may iba na siyang naamoy kaya tiningnan niya ang harapan ng bahay.
Agad niya namang pinuntahan ang kanyang 3-taong gulang na apo na natutulog sa kwarto kung saan nagsimula ang apoy upang iligtas at ilabas ng bahay.
Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ng Bureu of Fire Protection sa nangyaring sunog.
Ayon kay Fire Officer 1 Mark Joseph Soledad, maaring nagsimula ang apoy sa nakasaksak na electric fan o di kaya ay sa rechargable na ilaw na nakasaksak pa simula alos-9 ng umaga kanina.
Laking pasasalamat naman ni Mrs. Evangelista dahil wala umanong nasawi sa nangyaring sunog.
“Ang mahalaga ay walang nabawas sa amin,” pahayag ni Nany Evangelista.
Mag 4:30 na ng hapon nang ideklara ng mga bombero na fire out na ang sunog.