by Dennis Manzo, Philippine Information Agency | Monday, 18 January 2016
Ang Civil Service Commission (CSC) – Romblon Field Office ay tumatanggap na ng mga aplikasyon para sa mga nais kumuha ng Fire Officer Examination (FOE) at Penology Officer Examination na gaganapin sa ika-13 ng Marso sa lungsod ng Batangas.
Sinabi ni Allan Poe M. Carmona, Director II, CSC Romblon, na mabibigyan ng eligibility bilang fire officer at penology officer ang mga makakapasa sa naturang pagsusulit, sila man ay kawani o hindi ng mga tangapan ng Bureau of Fire Protection (BFP) at Bureau of Jail Management and Penology.
Ang mga kwalipikasyon para sa mga aplikante ay: Filipino; may kaaya-ayang personalidad; at may malusog na pangangatawan at maayos na pag-iisip; Hindi pa nahatulan ng anumang krimen, kabilang dito ang pagiging imoral; paglabag sa pamantayan ng katapatan, pandaraya sa pagsusulit, pagkalango sa alak o pagkalulong sa bawal na gamot. Hindi rin dapat itiniwalag sa serbisyong-militar o inalis sa katungkulan sa gobyerno bunga ng katiwalian ang mga aplikante.
Sila ay dapat na nakapagtapos ng kolehiyo sa isang respetadong paaralan at may edad na 21 hanggang 35 sa petsa ng pagsumite ng kanilang aplikasyon. Paalala rin sa mga aplikante na ang lalaki ay may tangkad na 1.62m (5’4) at 1.57m (5’2) naman para sa babae.
Para sa mga interesadong mag-apply, maaaring kumuha ng application form sa opisina ng CSC-Romblon Field Office sa 4th Floor, Capitol Building, Bgy. Capaclan sa bayan ng Romblon, magdala ng apat (4) na passport size picture, photocopy ng valid ID at halagang P700 na pambayad sa pagpoproseso ng aplikasyon.
Ang pagtanggap ng aplikasyon sa opisina ng Civil Service Commission ay hanggang sa ika-22 ng Enero 2016 lamang.