by Dennis Manzo, Philippine Information Agency | Monday, 25 January 2016
Patuloy na tumatanggap ng mga aplikasyon ang Civil Service Commission (CSC) Romblon Field Office para sa taunang Career Service Professional at Sub-professional Paper and Pencil test na idaraos sa Romblon National High School sa Abril 17, 2016.
Sinabi ni Allan Poe M. Carmona, Director II, CSC Romblon, ang pagsusulit ay bukas sa lahat ng Pilipino na may edad 18 pataas, may magandang asal (good moral character), hindi nahatulan ng “guilty” sa kahit anong kaso o di kaya ay natanggal sa pagiging empleyado ng pamahalaan dahil sa pagiging imoral na gawain at hindi kumuha ng kahalintulad na lebel ng career service test sa loob ng tatlong buwan.
Ayon pa kay Carmona, na magandang balita at pabor aniya sa mga taga-Romblon ang isasagawang pagsusulit ngayong taon ng kanilang ahensiya sapagkat dito mismo ito gaganapin sa kabisera ng lalawigan.
Ang mga pagsusulit ay binubuo ng mga sumusunod na paksa:
A) Para sa Professional- (English and Filipino)- vocabulary, grammar and correct usage, paragraph organization, reading comprehension, analogy, logic at numerical reasoning;
B) Para sa Sub-professional (English and Filipino)- vocabulary, grammar and correct usage, paragraph organization, reading comprehension, clerical operations at numerical reasoning.
May General Information test din para sa Professional at Sub-professional na sasaklaw sa: A) Philippine Constitution;
B) The Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees (R.A.6713);
C) Peace and Human Rights Issues and Concepts; at .h
D) Environment Management and Protection.
Ang mga aplikante ay dapat makakuha ng gradong hindi bababa sa 80 porsyento upang makapasa at magawaran ng “eligibility” na siyang magbibigay ng pribelehiyo sa isang indibiduwal na makapagtrabaho sa gobyerno o anumang tanggapan ng pamahalaan.
Ang sinumang aplikante ay maaaring kumuha ng application form (CS Form No. 100-F, Revised November 2012) sa tanggapan ng CSC Romblon Field Office sa 4th Floor, Capitol Building, Capaclan, Romblon, Romblon 8:00 a.m. – 5:00 p.m., Lunes-Biyerrnes.
Kinakailangang magdala ang isang aplikante ng mga sumusunod na rekisitos (requirements) kapag sila ay mag-aaplay sa opisina ng CSC: apat na kopya ng magkakamukhang litrato na kinunan sa loob ng tatlong buwan bago ang pag-aaplay, passport size (4.5cm x 3.5cm o 1.78” x 1.38”), colored na may puting background, standard close-up shot, natural na anyo ng mukha at may buong pangalan (nametag) at lagda ng nasa larawan.
Magdala rin ng kopya ng pagkakakilanlan (valid ID) na may malinaw na larawan ng aplikante, nakasaad ang petsa ng kapanganakan, may lagda ng nagmamay-ari nito at may lagda ng authorized head of the issuing agency. Maaaring ipresenta o gamitin ng aplikante ang kaniyang Driver’s License, SSS ID, GSIS ID, PhilHealth ID, current Company/Office ID, current school ID, Postal ID, BIR ID, Barangay ID, Voter’s ID, valid Passport or Police Clearance. Pwede ring gamitin ang original and photocopy of NSO-issued Birth Certificate or birth certificate authenticated/issued by the Local Civil Registrar.
Ang babayaran para sa pagsusulit ay nagkakahalaga ng P500. Ang huling araw ng pagsusumite ng mga aplikasyon ay hanggang Pebrero 25.