by Paul Jaysent Fos, Romblon News | Tuesday, 15 December 2015
Pabugso-bugso nalang ang nararanasang ulan at malakas na hangin sa probinsya ng Romblon matapos lumayo si bagyong Nona sa probinsya. Pero kaninang madaling araw hanggang kaninang umaga ramdam na ramdam ang hagupit ng bagyo sa lalawigan. Ilang mga puno ang sinasayaw ng malalakas na hangin.
Nagmistulang ghost town na rin ang bayan ng Odiongan dahil wala masyadong tao ang makikita na nasa labas ng bahay nila, pero ang ilan ay pinipilit paring lumabas.
Ilang dahon na rin ng niyog at puno ng saging ang nagkalat sa mga kalsada sa bayan ng Odiongan.
Pinapayuhan naman ng Coast Guard Sub Station Odiongan ang mga residente ng Odiongan na huwag nang pilitin na pumalaot dahil sa malalakas na alon.
Aabot narin sa 133 na pamilya o 428 na katao ang inilikas sa buong lalawigan ng Romblon, pinakamarami rito ay sa bayan ng Magdiwang.
Samantala, Naibalik na rin ng pamunuan ng Tablas Island Electric Cooperative ang kuryente sa ilang bahagi ng Tablas Island, habang sa ibang Isla naman ng Romblon ay wala paring kuryente dahil sa mga nasirang poste.
Sa bayan naman ng Corcuera at Cajidiocan, ilang bahay ang iniwan ni Nona na walang bubong at ilang puno rin ang itinumba sa lugar.
Sa ngayong hindi parin makontak ang mga residente ng Banton Island kung saan nag landfall ang bagyo.