by Dennis Evora, Romblon News | Sunday, 13 December 2015
Ipinagdiwang ng bayan ng Concepcion (Sibale Island) nitong ika-5 hanggang ika-8 ng Desyembre, mga araw ng Sabado hanggang Martes, ang Kapiyestahan ni Inang Maria Immaculada Conception, ang Patron ng nasabing bayan.
Sinimulan ang pagdiriwang sa pamamagitan ng pag-aalay ng isang banal na misa at ang tradisyon na parade at Biniray. Sa bawat araw din, itinatampok ang ibat-ibang mga palabas kagaya ng street dance, awitan, at mga palaro na nilalahukan ng ibat-ibang barangay at mga paaralan.
Kasabay rin ng pagdiriwang na ito, isinasagawa ang taunang Rungawan Festival ng Sibale na kung saan ay sama-samang kumakain ang lahat ng mga residente ng Sibale, mapa-bata man o matanda, ng mga putahe at kakanin na inihahanda ng mga representante ng bawat barangay. Ang Rungawan Festival ay ginagawa rin sa Lipa bilang bahagi naman ng taunang Ragipon.
Sa panayam ng Romblon News kay Ms. Noemi Fabreag-Ferriol, isa sa mga committee na nag-organisa ng kapiyestahan, sinabi nya na masaya sila lalo na ang butihing mayor, Hon. Lemuel Cipriano at ang Unang Ginang dahil taun-taon ay lalong gumaganda ang mga palabas, mas lalong maraming nakikiisang residente at mga dumadalong mga bisita kung kaya naman ay nagiging mas makulay at matagumpay ang Kapiyestahan ng Mahal na Immaculada Conception.
Umaasa ang mga organizer, mga kawani ng munisipyo at ng mga paaralan, at mga opisyales ng mga barangay na mas lalo pang gumanda ang mga kapano-panood na mga palabas na itinatampok at mas dumami pa ang mga bisita at sumusuporta para sa lalo pang ma-matagumpay, makulay at masayang pagdiriwang ng Kapiyestahan sa mga susunod na taon.