by Ian Kay Faa Romblon News | Thursday, 17 December 2015
Eksklusibong nakausap ni Paul Jaysent Fos ng Romblon News ang isang eyewitness sa pananalasa ni bagyong Nona sa bayan ng Banton nitong Martes kung saan isa ang nasawi sa lugar matapos na tamaan ng lumilipad na yero habang lumilikas patungong evacuation center.
Ayon kay Donna Rachel Fabul, na biyahe Cavite na matapos na ma stranded sa Banton Island dahil sa bagyo, wala parin umanong kuryente sa lugar at marami paring puno at kahoy ang nagkalat sa mga kalsada kaya may ilang barangay parin hanggang sa ngayon ang hindi mapuntahan dahil sa mga nakaharan sa kalsada.
“Hindi ko po masabi kung gaano karami po talaga ang nasirang bahay, pero yung mga niyog nagsitumbahan, ganun na rin yung mga poste ng kuryente. Yung ibang Barangay, hindi mapuntahin kasi may mga nakaharang na mga niyog sa daanan.”, ayon kay Fabul.
Sinabi rin ni Fabul na ang mga niyog ay parang kandila dahil ang mga dahon umano ay nagtanggalan na.
Nang tanungin naman kung anong nangyari sa mga bahay at kung marami bang nasira sa mismong sentro ng bayan, sinabi ni Fabul na nagtanggalan umano ang mga bubong at yung iba naman nagiba.
“Hindi kami lumikas, sa bahay lang kami. Natakot kami kasi malakas ang hanginpati ang buhos ng ulan kaya stay lang talaga kami sa loob ng bahay.” pahayag pa ni Fabul.
Sinabi rin ni Fabul na hindi nila alam na mag lalandfall ang bagyo at hindi umano naabisuhan ang ilang mga lugar dahil gabi palang ay wala nang kuryente sa lugar at tanging sa sentro ng bayan lang may kuryente.
“Hindi po namin expected na mangyayari ang ganun kasi nung gabi naman okey at walang ganung hangin.” dagdag pa ni Fabul.
Patuloy naman na sinisikap ng Romblon News na mas makakuha ng iba pang impormasyon sa kasalukuyang kondisyon ng bayan ng Banton. Sa ngayon, wala paring signal ng mga cellsites sa nasabing bayan.
Ayon naman sa mga nakalap na impormasyon ng Romblon News, marami sa bayan ng Banton ang nahatiran na ng tulong ng ilang grupo na binuo ng ilang mga nasa Metro Manila upang makatulong sa mga nasalanta ng bagyo sa Isla.
Si Paul jaysent Fos ay isa ring Stringer ng GMA News sa lalawigan ng Romblon.