by Paul Jaysent Fos, Romblon News | Tuesday, 03 November 2015
“Hindi dumadaan sa opisina ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Romblon ang mga pera na ibinibigay sa mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program ng gobyerno.”
Ito ang binitiwang pahayag ni Jomel Fillartos, Grievance Officer ng DSWD-Romblon ng makapanayam ng Romblon News ngayong hapon.
Kasunod ito ng mga nagsilabasang reklamo sa social media at sa kanilang opisina kaugnay sa pagkaantala sa pamamahagi ng mga ayuda para sa mga benepisyaryo ng nasabing programa ng DSWD.
Batay sa ilang sumbong ng mga residente ng Santa Maria, Santa Fe, at Looc; ilang buwan na umano silang hindi nakakatanggap ng ayuda mula sa DSWD.
Paliwanag naman ni Quenni Tria, Social Officer III ng DSWD sa Romblon; ang pagka-delay sa pamimigay ng ayuda sa mga benepisyaryo ng 4Ps ay dahil sa kakulangan ng man power ng LBC Express na may pananagutan sa pamimigay ng ayuda.
Ayon sa kontrata ng DSWD sa Land Bank of the Philippines (LBP) at LBC Express, ang Land Bank of the Philippines lamang ang may karapatan na mag labas ng ayuda para sa mga benepisyaryo ng 4Ps habang LBC Express naman ang service provider na may pananagutan sa pamimigay ng ayuda sa mga lugar na walang automated teller machines o ATM.
Sinabi rin ni Tria na noong Setyembre dapat dalawang beses magkakaroon ng payout para sa mga benepisyaryo ng 4Ps ngunit naudlot ito.
“September 2015, first week. Nagkaroon tayo ng simultaneous payment at ito ay ang Period 2 (March-April). Ang Period 3 (June-July) ay September rin dapat na-release na ngunit nagkaproblema ang pamunuan ng LBC Express”, pahayag ni Tria.
Gayunman, sinabi ni Tria na ang nadelay na ayuda para sa Period 4 (August-September) ay ilalabas ng Land Bank of the Philippine (LBC) ngayong November habang ang ayuda para sa Period 3 naman ay ipapamigay bago matapos ang taon.
Ang nasabing delay para sa Period 4 ay dahil naman umano sa isinagawang bidding process ng LBP para makahanap ng bagong partner sa na magrerelese ng ayuda over-the-counter.
Ang LBC Express ay papalitan ng nanalong bidder na Smart, NATCCO, at co-ops na may magandang record sa pagrelease ng ayuda noong 2014.