by Dennis Manzo, Philippine Information Agency | Tuesday, 03 November 2015
Pormal nang nanungkulan si Romulo O. Aldueza bilang bagong Provincial Manager ng National Food Authority (NFA) sa lalawigan ng Romblon.
Sinimulan n Aldueza ang pakikipagpulong sa mga empleyado ang unang araw ng kanyang pag-upo sa naturang pwesto.
Ang bagong hirang na pinuno ng NFA ay tubong San Jose, Batangas at tatlumpo’t limang taon ng kawani ng nasabing ahensiya sa Region IV.
Sa panayam ng programang PIA MIMAROPA Hour, sinabi nito na kanyang palalakasin ang mga programa at kampanya ng NFA upang mapagbuti nya ang pagtupad sa kanyang mga responsibilidad na may kinalaman sa pagtitipid ng pagkain o pagsasayang ng bigas.
Dagdag pa ni Aldueza, isinusulong ng NFA sa kasalukuyan ang RICEponsable program at maging ang paghikayat sa mga mamamayan na maging isang Food Guardian.
Ang mga programang ito na inilatag ng NFA sa buong Pilipinas ay naglalayong maging responsable ang lahat sa pangangalaga at pagha-handle ng butil ng bigas o pagkain dahil marami ang nasasayang sa produktong ito.
Batay aniya sa research, sa araw – araw ang isang tao ay nagsasayang ng dalawang kutsara ng kanin o katumbas ng 3.3 kilogram kada araw ang itinatapon ng bawat tao.
Kaakibat ng pagsusulong ng RICEponsable ay ang apat na “K” na ang ibig sabihin ay ang mga sumusunod: Kaunti-kaunting kanin muna, Kumain ng brown rice, Kumain ng ibang uri ng pagkain (saging, kamote atbp) at Kilalanin ang mga magsasaka.
Nanawagan ito sa mga taga-Romblon na suportahan ang mga programa ng National Food Authority. Siniguro rin nito na sapat ang kanilang bigas sa imbakan o bodega ng NFA kung saan ito ay affordable, safe at nasa tamang presyo. Nakahanda rin aniya ang kanilang tanggapan sa pagkakaloob ng bigas sa lokal na pamahalaan sa tuwing may dumarating na kalamidad.
Hinihiling din nito sa mamamaya na suportahan at sama-samang pagtutulungan ang Philippine Grains Standardization Program, Riceponsable at Food Guardians campaign para makaiwas sa pag-aksaya ng palay, bigas o kanin bilang mga tunay na katiwala ng Diyos sa biyayang kaloob nito.