by Dennis Manzo, Philippine Information Agency | Tuesday, 06 October 2015
Bilang pakikiisa sa selebrasyon, pinangunahan ng Philippine Coast Guard (PCG) Romblon Station ang pagsasagawa ng lecture on responsible garbage disposal, water search and rescue and life saving lecture na ginanap sa Bagacay Elementary school.
Taon-taong ginugunita ang National Maritime Week tuwing buwan ng Setyembre upang maipadama ng pamahalaan sa libo-libong Filipino seafarers ang kahalagahan ng mga ito at isulong ang maritime safety para sa mga bumibyahe.
Ang tema ng selebasyon ay: “Edukasyon at Pagsanay sa Maritima: Kabalikat sa Patuloy na Kaunlaran,” na ginunita noong Setyembre 21-27, 2015 ng mga stakeholders ng maritime industry sa buong bansa.
Nagsagawa rin ng mangrove planting activity sa Mangrove and Birds Sanctuary na matatagpuan sa Bgy. Ginablan sa bayan ng Romblon kung saan ito ay nilahukan ng mga kawani ng PCG, PNP, BFP, PDRRMO, Philippine Maritime Police, Philippine Red Cross (PRC) Romblon chapter at mga miyembro ng Bantay Dagat.
Inilunsad rin ng PCG ang “Scubasurero Romblon”kung saan ang kanilang mga scuba divers ay sumisid sa ilalim ng dagat upang kolektahin ang mga basurang nakikita sa ilalim at pagkatapos ay isang malawakang coastal clean-up activity ang isinagawa sa port area ng Romblon.
Ang taunang pagdiriwang ng National Maritime Week ay alinsunod sa Proclamation No. 1094, na konsolidasyon din sa selebrasyon ng National Seafarers Day (NSD) at National Maritime Day (NMD) kung saan ang concerned agencies ay inaatasan na magsagawa ng makabuluhan at makapagbibigay ng inspirasyon sa lahat ng stakeholders.