by Dennis Manzo, Philippine Information Agency | Wednesday, 21 October 2015
Nagsagawa ng pagsasanay ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Regional Welfare Office No. IV-B para sa mga Overseas Filipino Worker (OFW) at kanilang pamilya upang magabayan sila sa wastong paggugol ng kanilang pinaghirapang salapi at mabigyan ng sapat na kaalaman sa pagnenegosyo ang mga ito.
Ang pagsasanay ay tinaguriang ‘Entrepreneurial Development Training and Financial Literacy Training’, na ginanap kamakailan sa Sangguniang Bayan Session Hall, bayan ng Romblon .
Sinabi ni Aquilina Tarrobago, Chief, Programs and Services ng OWWA, na ang mga ganitong pagsasanay ay kanilang patuloy na isinusulong upang matulungan ang mga OFWs na hindi nakatapos ng kontrata; pinauwi ng employer at mga biktima ng abusadong employer at illegal recruiter upang magkaroon sila ng sapat na kaalaman sa iba’t ibang hanapbuhay para pagkakitaan.
Si Romanito A. Trias, overseas workers welfare officer II ang nagsilbing lecturer kung saan kanyang tinalakay ang iba’t ibang paraan upang kumita sa sisimulang negosyo ng mga OFWs.
Ayon kay Rizal Van Mayor, Municipal Public Employment and Services Office (PESO) Manager, ang mga lumahok na OFWs at pamilya nito ay binigyan ng bagong pag-asa ng nasabing ahensiya para makapagtayo ng negosyo upang pagkakakitaan at kung paano ito patatakbuhin ng maayos.
Malaki ang pasasalamat ng mga OFWs at pamilya ng OFWs sa training na ipinagkaloob ng OWWA at ikinagalak nila ang mahusay na pagsasanay na higit na makakatulong sa kanila upang masuportahan ang kani-kanilang pamilya.