by Dennis Manzo, Philippine Information Agency | Friday, 16 October 2015
Ang lahat ng guro sa pampublikong paaralan sa bayan ng Romblon ay nagtanim ng bakawan sa Birds and Mangrove Sanctuary sa Bgy. Ginablan, Romblon, Romblon bilang makabuluhang aktibidad sa pagdiriwang ng “World Teacher’s Day” kamakailan.
Bago isinagawa ang selebrasyon ng “Teacher’s Day” ay isang Misa ng Pasasalamat ang ginanap sa St. Joseph Cathedral at kasunod nito ang sabay-sabay na pagtungo ng mahigit 200 mga guro sa Bgy. Ginablan para sa malawakang pagtatanim ng bakawan.
Pagkatapos ng mangrove planting activity ay isinagawa rin ang isang maikling programa upang magbigay pugay sa mga guro na itinuturing na mga makabagong bayani ng panahon.
Binigyang pagkilala ng DepEd Romblon ang mga retiradong guro dahil sa malaking naiambag ng mga ito sa paghubog sa kaisipan ng mga kabataan upang makamit ang mahalagang aral at wastong kaalaman.
Ayon kay Geohpre Galindez, OIC, Public Schools District Supervisor, ang mga guro ay mabuting halimbawa sapagkat natutunan ng mga kabataan ang kahulugan at kabuluhan ng paglilingkod at pagpapahalaga sa kapwa.
Maliban sa paggawad ng pagkilala sa mga natatanging guro ay nagkaroon din ng raffle draw kung saan napanalunan ng ilang eskwelahan ang mga appliances gaya ng refrigerator, television, gas stove at iba pa.