by Dennis Manzo, Philippine Information Agency | Saturday, 31 October 2015
Nakahanda na ang Bureau of Fire Protection (BFP) Romblon sa nalalapit na Undas at inaasahang pagdagsa ng mga tao sa mga pampublikong sementeryo sa darating na Nobyembre 1 – 2, 2015.
Sinabi ni Provincial Fire Marshal SINSP. Francisco O. Sergio Sr., na nagsasagawa na ang kanilang mga tauhan ng ocular inspection sa mga sementeryo upang matiyak na walang mangyayaring grass fire o pagkasunog sanhi ng kandila.
Aniya, bagama’t taunan ng ipinagdiriwang ang nasabing aktibidad kaya’t taunan din silang nakaantabay upang umalalay sa publiko para maiwasan at pigilan ang aksidenteng maaring maganap tulad ng sunog.
Magtatalaga umano ng mga kawani at trak ng bumbero sa araw na nabanggit sa iba’t ibang malalaking sementeryo sa lalawigan para magmando at umayuda sakaling magkaroon ng hindi inaasahang sunog.
Umaapela rin ng opisyal ang malawak na kooperasyon ng mamamayan na maging maingat at mapagmatyag sa kanilang paligid upang maiwasan ang malaking sunog.
Ayon pa sa nasabing opisyal, kanyang inatasan ang lahat ng mga municipal fire marshal na magsagawa ng information dissemination sa kanilang mga lugar upang magbigay ng payong pangkaligtasan sa mamamayan.
Bago aniya lisanin ang kanilang mga tahanan, siguruhing nakasara ang lahat ng ilaw, mga kasangkapang de-kuryente at nakababa ang main switch ng buong kabahayan. Alisin ang mga nakatagong kemikal na maaring pagmulan ng sunog. Siguruhing nakakandado ang mga pinto at bintana para hindi mapasok ng masasamang loob ang kanilang bahay habang nagninilay-nilay sa sementeryo.
Huwag gawing patungan ng kandila ang mga materyal na bagay tulad ng karton, lamesang kahoy, plastic at malapit sa kurtina bagkus ay ilagay ito sa malayo na hindi maaabot ng apoy.
Huwag din aniyang mag-iiwan ng nakasinding kandila kung matutulog o aalis ng bahay at higit sa lahat kung nakaranas ng sunog ay huwag magpanic, apulahin ito agad at makipag-ugnayan sa kanilang tanggapan para agad masaklolohan.