by Dennis Manzo, Philippine Information Agency | Monday, 12 October 2015
Aprubado na ng Provincial Board ang isang resolusyon kung paano gugulin ang P6 milyon na Special Education Fund na kaloob ng Romblon provincial government sa Department of Education (DepED) – Division of Romblon.
Ang SEF ay isang porsyentong bahagi ng kabuuang ibinayad sa real property tax ng mga mamamayan na inilalaan para sa edukasyon ng pamahalaang panlalawigan.
Alinsunod sa Republic Act 5447, dapat tukuyin at aprubahan ng mga miyembro ng Provincial School Board ang mga proyekto o programang paggagamitan ng SEF.
Ang naturang pondo ay hinati lamang sa tatlong programa ng DepED-Romblon kung saan ito ay ilalaan sa mga proyektong pang-imprastraktura, sports activities at extension classes ng mga eskwelahan sa buong lalawigan.
Ang P2.6 milyon ay nakalaan para sa infrastructure projects, P2.6 milyon naman ang para sa sports activities at P800,000 ang inilaan sa extension classes.
Ang mga infrastructure projects na pinaglaanan ng pondo ay ang mga sumusunod: Water System Development sa Lumbang Este, sa bayan ng Cajidiocan – P350,000; Construction of Slope Protection sa Long Beach National High School sa bayan ng San Agustin – P350,000; Construction of two-classroom building sa Odiongan National High School – P1 milyon; konstuksiyon ng entablado sa Lonos Elementary School sa bayan ng Romblon – P200,000; Repair/rehabilitation of Marcos Type Building ng Romblon East Central School – P500,000 at Construction of Slope Protection ng Calatrava National High School – P200,000.
Hinati ang budget para sa extension classes kung saan 500,000 ay ilalaan sa partisipasyon ng DepED Romblon sa regional at national contests at P300,000 ay ipagkakaloob naman sa Alternative Learning System.
Ang Provincial School Board ay pinamumunuan ng kasalukuyang gobernador na si Gov. Eduardo Firmalo kung saan katuwang din nito si Schools Division Superintendent Raul M. Marin para sa pagpapatupad ng maayos ng SEF.