by Dennis Manzo, Philippine Information Agency | Wednesday, 28 October 2015
Kabuuang P1.695 milyon ang halagang ipinamahagi kahapon ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa 565 na mga indigent senior citizen sa bayan ng Romblon na isinagwa sa covered court ng public plaza.
Sinabi ni Ma. Lourdes M. Fajarda, MSWDO, na ang perang ipinamigay kahapon ay kabayaran para una at ikalawang quarter ng taong kasalukuyan.
Ang mga maralitang matatanda ay tumanggap ng tig-P3,000 social pension mula sa pamahalaan o katumbas ng anim na buwang tulong pinansiyal para sa mga ito.
Ayon pa kay Fajarda, ang bawat mahihirap na matatanda ay pinili mula sa National Household Targeting System kung saan tumatanggap ng P500 bawat buwan upang ipambili ng gamot, bitamina at pagkain.
Ang mga benipisyaryo ay yaong walang pinagkakakitaan, walang tinatanggap na pensyon o kahit man lamang sustento mula sa kamag-anak.
Ang programang ito ng Kagawaran ng Kagalingang Panlipunan at Pagpapaunlad (DSWD) ay sinimulan sa panahon ng panunungkulan ni Pangulong Noynoy Aquino na nagbibigay ng tulong sa mga talagang mahihirap na matatanda at nabibigyan sila ng pagpapahalaga mula sa pamahalaan.