by Dennis Manzo, Philippine Information Agency | Wednesday, 28 October 2015
Labingdalawang asosasyon ng mga mahihirap na pamilya sa bayan ng Romblon ang makikinabang sa mga programa sa pangkabuhayan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Matatandaan na inilunsad kamakailan ng DSWD Mimaropa sa pakikipagtulungan ng lokal na pamahalaan ng Romblon ang Sustainable Livelihood Program para sa mga miyembro ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) sa kabisera ng lalawigan.
Ang pangunahing layunin ng Sustainable Livelihood Program ng DSWD ay mabigyan ng sapat at panatilihin ang kita sa hanapbuhay ng pamilya. Mabigyan ng pantay na pagkakataon upang makakuha ng mga pagkukunan para sa kanilang mga pangangailangan sa araw-araw. Matulungan ang mga tao na makilala at maunawaan ang mga “bagong normal” na pamumuhay.
Ayon kay Glenford F. Faeldan, Project Development Officer II, aabot sa P2,352,000 ang halaga ng ipagkakaloob nilang programa sa paghahanapbuhay sa labingdalawang Self-Employment Assistant – Kaunlaran (SEA-K) Association na binubuo ng mga miyembro ng 4Ps.
Batay sa talaan ng DSWD IV-B, ang mga napabilang na SEA-K Association (SKA) at Sustainable Livelihood Program Association (SLPA) ay ang mga sumusunod: ASAPP SKA (Bgy. Agnaga) – P100,000, ILAURAN SKA (Bgy. Ilauran) – P125,000, LAMAO SKA (Bgy. Lamao) – P 90,000, CGB SKA (Bgy. Lamao) – P125,000, MASIKAP SKA (Bgy. Alad) – P210,000, MATIYAGA SKA (Bgy. Alad) – P230,000, PLUTO SKA (Bgy. Alad) – P140,000, ORCHID SKA (Bgy. Alad) – SUNFLOWER SKA (Bgy. Alad) – P250,000, BALWA SLPA (Bgy. Agbudia) – P420,000, SAFWEN SLPA (Bgy. Sablayan) – P320,000 at MASAGANA SLPA (Bgy. Li-o) – P182,000.
Ang 287 na benepisyaryo o mga miyembro ng nasabing SKA at SLPA ay sumailalim sa skills training ng DSWD upang maturuan ang mga ito kung paano palalaguin ang programang pangkabuhayan na ipinagkaloob sa kanila ng pamahalaan.