by Paul Jaysent Fos, RomblonNews | Saturday, 12 September 2015
“Ngayong po pinapa-implement na po natin ang Iskolar ng Bayan Law, na ang lahat ng top 10 graduate sa public highschool ay libreng makakapag aral sa mga state colleges.”
Yan ang mga binitiwang salita ni Pasig Congressman Roman Romulo ng magsalita sa harapan ng mga estudyante at faculty ng Romblon State University Main Campus hapon ng September 12 sa RSU Quadrangle.
Sa Republic Act 10648 o Iskolar ng Bayan Law, lahat ng nag tapos sa public highschool na pasok sa top ten ay maari nang pumasok sa mga unibersidad sa kanilang mga rehiyon kahit hindi na dumaan ng entrance exam, kasama na rito ang Romblon State University.
Sinagot rin ni Romulo ang mga tanong ng ilang estudyante kung paano nalang ang mga graduate ng Private Highschool.
Ayon kay Romulo, hindi Iskolar ng Bayan Law ang makakatulong sakanila kundi ang Unified Student Financial Assistance System for Tertiary Education o UniFAST Bill na perma nalang ni Pangulong Aquino ang kailangan bago maging batas.
“Gusto ko pong ibalita sa inyo na ang kakambal niyang bill na ang UNIFAST Bill, pasado na po iyon sa kongreso, pasado na rin siya sa senado, all its way to Malacañang for the signature of the President. Hopefully, ang UniFAST Bill ay maging batas na ngayong taon.”, ayon kay Romulo.
Nakasaad sa nasabing panukala na lahat ng college student na tumigil sa pagaaral ay pwedeng supurtahan ng gobyerno para makapagpatuloy sa pag-aaral basta maganda ang rating niya sa college bago siya tumigil.
Ayon kay Romulo, nakasaad rin dito na lahat ng scholarship na matatangap ng mga mag-aaral na galing sa gobyerno ay magiging rational na.
“Formula na ang nilagay namin sa panukala, kasi hindi lahat ng nag-aaral parihas ang gastusin.” ayon kay Romulo.
Ikinatuwa naman ito ng mga estudyante na nag-abang sa kanyang talumpati.
Ayon sa ilang estudyante ng makapanayam ng Romblon News, sinabi nilang malaking tulong umano iyon dahil sa UniFAST Bill maari nang malibre ng gobyerno ang kanilang tuition, dorm, at pambili ng mga uniforms at libro.