by Dennis Manzo, Philippine Information Agency | Tuesday, 15 September 2015
Pinasasalamatan ng pamahalaang panlalawigan ang lahat ng nagbigay ng kanilang donasyon upang makabili ng Portable Slit Lamp Microscope na ipinagkaloob sa Romblon Provincial Hospital (RPH).
Ang naturang medical equipment ay nabili ng Romblon provincial government dahil sa tulong ng mga taga-Romblon na nagtatrabaho sa ibang bansa at maging yaong mga naninirahan sa kamaynilaan na boluntaryong nagbigay ng kanilang kontribusyon.
Sa kasalukuyan ay ginagamit na ito upang masuri ang mga mayroong kapansanan sa paningin lalo na ang mga sanggol, nakatatanda at mga nakaratay sa banig ng karamdaman na nakakaranas ng panlalabo ang mata.
Ang nabanggit na kagamitan ay makapagbibigay serbisyo rin sa mga malalayong barangay sapagkat maaari umano itong hiramin ng mga Rural Health Units at Barangay Health Stations kung nais nilang magsagawa ng pagsusuri sa mata sa komunidad nilang nasasakupan.
Ayon sa pamunuan ng RPH, sa tulong ng ophthalmologist consultant ay marami pang tao ang kanilang matutulungan na magamot o maagapan ang posibleng pagkabulag ng isang pasyente. Sa pamamagitan ng makabagong gamit na ito ay kanilang muling masisilayan ang kagandahan ng mundo.