by Paul Jaysent Fos, Romblon News | Saturday, 26 September 2015
Nagbabala ang pamunuan ng Odiongan Municipal Police Station sa mga motorcycle and riders club sa Odiongan na sumasama sa illegal drug racing sa Barangay Bangon.
Ito ay kasunod ng ini-ulat ng pahayagang ito kaugnay sa mga madalas na karera ng mga motorsiklo sa Barangay Bangon na kinasasangkutan ng mga kabataan.
Ayon kay Police Senior Inspector Alvimar Flores, hepe ng Odiongan Municipal Police Station, naglagay sila ngayong araw ng mga signage at warning sa mga lugar na may napaulat na may nangyayaring karera ng mga motorsiklo matapos nilang mapanood ang video na inupload sa official facebook page ng Romblon News.
Dagdag pa ni Flores, kinausap niya ang ilang mga kabataan na nakita sa video at sinabi umano nilang titigilan na ang karera at magiging responsible drivers na.
Ikinababahala rin ng pamunuan ng Barangay Bangon ang mga napaulat na illegal na karera ng motorsiklo.
Sinabi ni Barangay Captain Oximar Magtuba sa phone interview ng Romblon News kaninang umaga na nababahala na sila kasi hindi lang umano mga taga Odiongan ang sumasali kundi dinadayo rin umano ng mga taga ibang bayan.
“Sinisita namin ang mga yan, kaso parang may mga look-out at bumabalik ng bumabalik kapag wala na kami.”, ayon kay Barangay Captain Oximar Magtuba.
Paalala naman ni Police Senior Inspector Alvimar Flores maari niyong kontakin ang PNP Odiongan sa 09303683218 kung sakaling may illegal na karera ng mga motor ulit na mangyari sa mga lugar na malapit sa inyo.