by Dennis Evora, Romblon News | Sunday, 27 September 2015
Nangangamba ang mga may-ari at tauhan nang malalaki at legal na mga bangkang pangpasaheruhan sa bayan ng Sibale na tuluyan nang malugi at mahinto ang kanilang operasyon kung hindi masasawata ang patuloy na operasyon at pagdami ng mga maliliit at walang mga kaukulang papeles na mga bangkang de motor na nagsasakay ng mga pasahero patungong Mindoro at pabalik ng isla.
Naaagawan kasi ng mga nasabing maliliit na bangkang de motor ang mga malalaking bangka ng mga pasahero kaya halos wala na silang naisasakay palagi sa bawat schedule na biyahe.
Ayon kay Hon. Jay Falculan, may-ari ng pampasaherong bangka na M/B Falcon II, ilang beses na nilang inirereklamo ang mga nasabing illegal na maliliit na bangka sa pamunuan ng MARINA, ng Coast Guard sa Pinamalayan, Or. Mindoro gayon din sa mismong lokal na pamahalaan ng Sibale ngunit tila daw wala namang seryoso at pangmatagalang aksyon at solusyon na naipapatupad para tuluyan na itong matigil kaya sa mismong lokal na pamahalaan ng Pinamalayan na sila nagpaabot ng sulat para humingi ng tulong.
Sa isa pang source na nakausap ng Romblon News, na ayaw nang magpabanggit ng pangalan, sinabi nya na isa rin sa mga dahilan kung kayat hindi daw masyadong binibigyan ng pansin ng pamunuan ng Coast Guard sa Pinamalayan, Or. Mindoro ang naturang problema dahil regular daw umanong nakakatanggap ang mga ito ng mga sariwang isda at kung minsan ay mga hayop na katayin, gaya ng manok at kambing, mula sa mga may-ari mismo ng mga inirereklamong maliliit na bangkang de motor.
Bunsod din ng mga reklamong ito, nagpahayag na ang lokal na pamahalaan ng Pinamalayan na gagawa sila ng hakbang para matulungan ang mga may-ari ng mga legal at malalaking bangka na matigil na ang pagbiyahe ng maliliit na bangka para na rin maiwasan ang mga posible at hindi inaasahang mga sakuna sa dagat.
Sa panayam naman ng Romblon News, sa pamamagitan ng telepono, kay PO1 Reynoso Quibael ng PCG – Pinamalayan, mariin nyang itinanggi ang naturang paratang na ibinabato sa kanilang hanay. Bagkus, sinabi nya na mahigpit daw nilang minomonitor ang aktibidad ng mga naturang illegal na maliliit na bangka dahil ipinagbabawal ito kahit saan mang bahagi ng rehiyon.
Sa ngayon, umaasa ang mga may-ari at pamunuan ng malalaking bangka sa Sibale na mabigyan nang seryoso at agarang aksyon ang ganitong suliranin upang hindi naman naapektuhan, hindi lang ang kanilang negosyo, kung di pati na rin ang kabuhayan ng kanilang mga tauhan na tanging sa ganitong paraan lang kumikita ng pangtustos sa pang-araw-araw nilang gastusin.