by Paul Jaysent Fos, RomblonNews | Tuesday, 22 September 2015
Isang nanganganib ng maubos na uri ng pawikan ang nasagip ng isang mangingisda kaninang umaga sa bayan ng Romblon, Romblon.
Ayon kay Noel Melendrez, ang nasabing pawikan ay hindi na gumagalaw at nanghihina ng ito ay kanyang makita sa dagat na bahagi ng San Agustin at Romblon.
Agad niya umano itong dinala sa Municipal Agriculture Office ng Romblon, Romblon at sa Romblon Municipal Police Station dahil hindi niya alam ang gagawin sa pawikan.
Ayon sa tauhan ng Municipal Agriculture Office ng Romblon, Romblon may haba na 47 inches at lapad na 39 inches ang nasabing babaeng pawikan.
Kasalukuyan nang nasa Barangay Capaclan sa Romblon, Romblon ang pawikan upang alagaan at obserbahan bago ito ibalik sa dagat.