by Dennis Evora, RomblonNews | Monday, 21 September 2015
Nagsagawa nitong nakalipas na weekend (September 19-20) ang pamunuan ng Concepcion Municipal Police Station, sa pangunguna nina PSINSP Orlando Silla at PO3 Marcela Fabregas, ng dalawang araw na ‘Barangay Tanod Enhancement Training’ na ginanap sa Concepcion Multi-Purpose Covered Court.
Dinaluhan ang nasabing training/seminar ng mga barangay tanod mula sa siyam (9) na barangay ng Sibale.
Layunin ng aktibidad na ito na maturuan ang mga tanod ng ibat-ibang pamamaraan kung paano mapapangalagaan at mapapanatili ang kaayusan ng kani-kanilang mga nasasakupang barangay at mga residente.
Itinuro rin sa kanila kung paano depensahan ang kanilang mga sarili gamit ang pangunahin nilang armas na arnis o pamalo, ganon din kung ano ang mga dapat gawin kapag nasa akto silang may huhulihin na sangkot sa isang krimen o gulo.
Isinama rin sa naturang pagsasanay, na isinagawa ni FO1 Butch Fallarme, ang ilang pamamaraan kung paano naman mapaghahandaan, maiiwasan, mapipigilan at maaapula ang anumang insidente ng sunog na posibleng mangyari sa paligid.