U_Spy: Paasa-porte ni Cayetano

Written by Rey Marfil

Matapos ulanin ng batikos ang Department of Foreign Affairs dahil sa nakakaputing mata at makakapudpod ng daliring pagkuha ng slot sa online appointment sa passport, aba’y biglang nagpakulo kamakailan si Secretary Alan Peter Cayetano at ipakita sa publiko na 10 years na ang bisa ng mga pasaporte. Pero tanong mga tao, nasolusyon ba nito ang tunay na inirereklamo nila?

Ang nakatatawa pa nito, nang araw na magpatawag si Cayetano ng pakulo para ipakita ang bagong passport na 10 years na ang bisa, nag-post siya sa kaniyang Facebook account para ipaalam na puwede na raw ulit kumuha ng slot at schedule via online application.

Pero sa halip na matuwa ang netizens na nakakita sa kaniyang post, aba’y lalo silang nainis nang araw na iyon (Biyernes).

Makasaad sa mga komento ang mga reklamo na mabagal o hindi maka-connect sa website ng DFA. Ang matindi pa, may mga nagrereklamo na nagka-“crash” ang koneksyon at ang pinakamalupit, nalaman nilang wala pa rin palang available na slot hanggang pagkatapos ng Marso partikular sa Metro Manila.

Reklamo kasi ng mga nag-aaplay ng passport, puno na hanggang Marso ang online appointment at hindi pa malaman kung kailan magkaroon ng panibagong slot.

Aba’y kung nagkaroon ka ng biglaang pagkakataon na makapag-abroad ngayon buwan hanggang Marso, tiyak na hahanap ka ng paraan at kakapit sa patalim para magka-passport. Kung hindi man, magbabakasakali ka na may available ng slot sa ibang lalawigan.

May hindi pa nga nakatiis at nagtanong kay Cayetano kung ano raw ang ginawa nito sa buhok niya dahil sa hitsura ng gupit. May humirit din na papaano ang mga taong walang komputer o internet, o hindi bihasa sa paggamit ng computer, papaano makapagpapa-schedule?

Dahil sa pahirapan na makakuha ng pasaporte, may mga naglabasang post sa social media tungkol sa umano’y mga nanraraket at naniningil para makakuha ng slot sa appointment. May mga nagsasabing mga travel agency at ilang tauhan ng DFA ang nasa likod ng raket—na siyempre ay itinanggi ni Cayetano.

Pero teka, tanong ng ating kurimaw na wala ring passport, nag-imbestiga raw kaya si Secretary tungkol sa mga impormasyon na lumabas sa social media kaya itinanggi na niya agad ang hinala na may nanraraket ng passport appointment? Hindi ba mas maganda yata na nagpasalamat siya sa mga lumalabas na impormasyon at kahit na pang-media lang eh sabihin niya ang linyang, “will look into it.”

In fairness, wala pa namang isang taon si Cayetano sa DFA mula nang italaga siya ni Pangulong Duterte sa ahensiya. Ika nga, dapat bigyan pa siya ng one year na honeymoon period para ayusin ang problema. Iyon nga lang, parang iba yata sa unang ipinahayag niya noon ang nagiging takbo ng sinasabi niyang reporma.

Nang bagong upo siya sa DFA at pumunta sa tanggapan ng ASEANA, sinabi niya na plano niyang alisin ang online passport appointment at mas gusto niya ang walk-in o pupunta na lang doon ang mga tao.

Pero sa halip, inanunsyo sa mga sumunod na araw ang mga inalisan niya ng slot sa passport appointment gaya raw ng mga travel agency. Iyon nga lang, hanggang ngayon ay wala pa ring nagbago.

Maging ang mga OFW na nasa ibang bansa ay nagtatanong tungkol sa sistema kung papaano sila makapagpapa-renew ng passport dahil tila hindi magkakapareho ang patakaran sa mga konsulado. Ang marami sa mga naglalabas ng hinanakit, mga bumoto pa naman daw sa kaniya.

Sabi ni Secretary, dapat daw magbigay ng ebidensiya o lead ang mga nag-aakusa na may nanraraket sa appointment pasaporte, pero kung babasahin lang niya ang mga komento sa kaniyang FB account, malalaman na niya ang problema na dapat niyang aksyunan.

Iyon ay kung siya nga ba talaga ang nag-aasikaso ng kaniyang account at may oras siyang magbasa ng komento ng mga taong dapat niyang pagsilbihan. O baka naman porte niya na ang magpaasa ng tao?


Tandaan: Ang tao'y nilalang na politiko pero mas madalas ang politiko'y nanlilinlang ng tao! (Twitter: follow@dspyrey)