U_Spy: 'Give thoughts on Christmas'

Written by Rey Marfil

Bihira na nangyayari na nagiging panahon ng tag-ulan ang Disyembre lalo na sa mismong araw ng Pasko at Bagong Taon. Pero may ilan na masaya kapag naging maulan sa Pasko dahil ito ang panahon ng hanapan o "taghanap”—sina ninong at ninang.

Bakit hindi sasaya ang ilang ninong at ninang kapag maging maulan sa Pasko, aba’y hindi na sila mahihirapan na magtago. Siyempre kung maulan, baka tamarin na sina kumpare at kumare na gumala pa para dalhin ang mga bata kina ninong at ninang.

Aba’y baka magkasakit pa ang mga bata kapag naulanan kapag nagpunta kina ninong at ninang. Isa pa, aba’y mahirap ding bumiyahe sa ganitong panahon lalo na kung wala ka naman sasakyan.
Ngayon Disyembre kasi, ilang bagyo pa ang pumasok sa Philippine Area of Responsibility.

Ngunit sa totoo lang, hindi naman dapat na obligahin ng mga magulang ng bata sina mare at pare na magregalo sa inaanak lalo na kung malaki na ang mga ito. Ang iba naman kasi, mas malaki na kina ninong at ninang, namamasko pa. Okey lang kung bata pa at madadaan pa sa mga laruan ang mga regalo.

Pero kung damulag na at puwede nang makabuntis ang inaanak, hindi na regalo ang kailangan niya kung hindi payo at patnubay na.
Tanong ng ating kurimaw, kung susundin natin ang sinasabing pinagmulan ng tradisyon ng pagbibigay ng “aginaldo” na ginawa ng tatlong Haring Mago kay baby Jesus, ilang beses nga ba silang nagbigay ng regalo? Kung isang beses lang, dapat bang isang beses din lang magbigay ng aginaldo si ninong o si ninang?

Ang mahirap kasi nagiging masyadong materyoso at sobra nang nagiging komersiyalismo ang pagkuha ng ninong at ninang, at ang Pasko. Ang iba, dinadamihan talaga ang kinukuhang ninong at ninang para mabawi sa pakimkim ang gastos sa binyag at makabawi pa sa Pasko sa paraan ng aginaldo ng bata.

Kahit nga sa mga bahay, si Santa Clause na ang nagiging bida kapag nagdedekorasyon kapag Pasko at nawawala na sa eksena si baby Jesus na siyang dapat na bida. Para ba kanino talaga ang Pasko? Sa mga bata ba na katulad ni baby Jesus, o sa mga matatanda na gaya ni Santa Clause?

Ngayong panahon ng hanapan, good luck sa mga inaanak na hahanting kina ninong at ninang. At good luck din sa mga ninong at ninang na magpapasyang maglaho na naman.

Pero ‘wag kalilimutan mga tsong ang laging paalala kapag Pasko na, “It’s better to give than to receive” at ang kasabihang “it's the thought that counts.” Kaya kung datong pero gustong magbigay, "give your thoughts" na lang.

Tandaan: Ang tao'y nilalang na politiko pero mas madalas ang politiko'y nanlilinlang ng tao! (Twitter: follow@dspyrey)